Bagyong may international name na Nyatoh lumakas pa; umabot na sa typhoon category
Lalo pang lumakas at umabot na sa typhoon category ang bagyong binabantayan ng PAGASA sa labas ng bansa.
Sa Tropical Cyclone advisory ng PAGASA ang bagyong may international name na “Nyatoh” ay huling namataan sa layong 1,450 kilometers East ng Central Luzon.
Nananatiling nasa labas pa ng bansa ang bagyo.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 120 kilometers bawat oras at pagbugsong aabot sa 150 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 20 kilometers bawat oras sa direksyong pa-Hilaga.
Sa kasalukuyang track ng bagyo posibleng hindi na ito pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa susunod na 36 na oras ay inaasahang patuloy pa itong lalakas.
Kahit malayo sa Philippine landmass, ang trough o buntot ng bagyo ay maaring makapagdulot ng kalat-kalat na mahihina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan sa Bicol Region, Visayas, at Mindanao sa susunod na 24 na oras. (DDC)