Bagyong Igme lumakas pa; isa nang tropical storm ayon sa PAGASA
Lumakas pa ang bagyong Igme at umabot na sa tropical storm category.
Sa inilabas na sever weather bulletin ng PAGASA ang bagyo ay huling namataan sa layong 340 kilometers North Northeast ng Basco, Batanes.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 10 kilometers bawat oras sa direksyong north west.
Inaasahang lalabas din agad ng bansa ang bagyo mamayang gabi o bukas ng umaga.
Ayon sa PAGASA, dahil sa Habagat na palalakasin ng bagyong Igme, makararanas ng pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands.
Magdudulot din ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan ang Habagat, sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, at Bataan.
Samantala, isang Low Pressure Area (LPA) ang binabantayan ng PAGASA na huling namataan sa layong 295 kilometers East ng Davao City.
Sa ngayon ayon sa PAGASA, maliit pa ang tsansa na maging ganap na bagyo ang nasabing LPA. (END)