Bagyong Auring nasa loob na ng bansa; tatama sa Caraga sa Sabado o Linggo – PAGASA
Nasa loob na ng bansa ang tropical depression Auring.
Ito ang kauna-unahang bagyo na pumasok sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong 2021.
Ayon sa PAGASA ang bagyo ay huling namataan sa layong 900 kilometers East Southeast ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometers bawat oras.
Inaasahang lalakas pa ng bagyo at aabot sa tropical storm category.
Tatama ito sa kalupaan ng Caraga sa Sabado ng gabi o sa Linggo ng umaga.
Ayon sa PAGASA, wala pang direktang epekto ang bagyo saanmang bahagi ng bansa.
Gayunman, pinaghahanda na ang mga residente at lokal na pamahalaan sa Visayas, Bicol Region, MIMAROPA, Caraga, Northern Mindanao, Davao Region, Cotabato, at Lanao del Sur sa magiging epekto nito simula sa weekend.