Bagyong Auring lumakas pa isa nang tropical storm ayon sa PAGASA; Calabarzon maaapektuhan simula sa weekend
Lumakas pa ang bagyong Auring at ngayon ay isa nang ganap na tropical storm.
Huling namataan ang bagyo sa layong 685 kilometers East Southeast ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugaong aabot sa 80 kilometers per hour.
Mabagal ang kilos ng bagyo sa direksyong pa-kanluran.
Ayon sa PAGASA simula sa weekend hanggang sa Lunes, malaki ang tsansang magdudulot na ito ng malakas na pag-ulan sa Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Bicol Region, CALABARZON, Davao Oriental, Davao de Oro, Davao del Norte, Lanao del Sur, Mindoro Provinces, Marinduque, Romblon, Northern Palawan kabilang ang Calamian at Cuyo Islands.
Bukas araw ng Biyernes (Feb. 18) ay inaasahang magtataas na ng tropical cyclone wind signal number 1 sa mga lalawigan sa Caraga at Davao Region.