Bagyong Auring lumakas pa, isa nang severe tropical storm ayon sa PAGASA
Lumakas pa ang bagyong Auring at nasa severe tropical storm category na ayon sa PAGASA.
Huling namataan ang bagyo sa layong 535 kilometers East Southeast ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 95 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugaong aabot sa 115 kilometers per hour.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa sumusunod na mga lugar sa Mindanao:
– Davao Oriental
– eastern portion of Davao de Oro (Pantukan, Maragusan, New Bataan, Compostela, Monkayo)
– eastern portion of Agusan del Sur (Sibagat, Bayugan City, Prosperidad, Talacogon, San Francisco, Rosario, Bunawan, Santa Josefa, Trento)
– Surigao del Sur
Ngayong araw hanggang bukas ng umaga, ang bagyo ay maghahatid na ng mahina hanggang sa katamtaman at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan sa Caraga, Davao Oriental, Davao de Oro, at Davao del Norte.
Bukas ng umaga hanggang sa Linggo ng umaga naman, makararanas na ng katamtaman hanggang malakas at kung minsan ay matinding buhos ng ulan sa Caraga Region, Davao Oriental, at Davao de Oro.
Katamtaman hanggang malakas na ulan sa Eastern Visayas, Misamis Oriental, Camiguin, Bukidnon, at Davao del Norte.
At mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na ulan sa nalalabing bahagi ng Visayas, nalalabing bahagi ng Northern Mindanao, Albay, Sorsogon, Catanduanes, Masbate, Lanao del Sur, Cotabato, at Davao City.