Bagyong Auring humina, isa na lang tropical storm; mas maraming lugar isinailalim sa signal no. 1
Bahagyang humina ang Bagyong Auring matapos magkaroon ng interaksyon sa malamig na hangin na dulot ng Amihan.
Nasa tropical storm category na lamang ang bagyo na huling namataan sa layong 405 kilometers East Southeast ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugaong aabot sa 105 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 15 kilometers bawat oras sa direksyong pa-kanluran.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa sumusunod na mga lugar:
VISAYAS
– Southern Leyte
– southeastern portion ng Eastern Samar (Guiuan including Homonhon Island)
MINDANAO
– Dinagat Islands
– Surigao del Norte
– Surigao del Sur
– Agusan del Norte
– Agusan del Sur
– Davao Oriental
– Davao de Oro
– Davao del Norte
– Davao City
– Camiguin
– eastern portion ng Misamis Oriental (Balingasag, Balingoan, Binuangan, Claveria, Gingoog City, Jasaan, Kinoguitan, Lagonglong, Magsaysay, Medina, Salay, Sugbongcogon, Tagoloan, Talisayan, Villanueva)
– eastern portion of Bukidnon (Cabanglasan, Impasug-ong, Lantapan, Malaybalay City, Malitbog, Manolo Fortich, Maramag, Quezon, San Fernando, Sumilao, Valencia City)
Ngayong gabi makararanas ng mahina hanggang sa katamtaman at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan sa Caraga, Camiguin, Misamis Oriental, Bukidnon, Davao Oriental, Davao de Oro, at Davao del Norte.
Bukas araw ng Sabado, katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan at kung minsan ay matinding pag-ulan ang mararanasan sa Caraga, Camiguin, Misamis Oriental, Bukidnon, Davao Oriental, Davao de Oro, at Davao del Norte.
Mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan naman ang mararanasan sa Eastern at Central Visayas, nalalabing bahagi ng Northern Mindanao, Lanao del Sur, Cotabato, at Davao City.
Bago mag-landfall sa Caraga Region sa Linggong umaga, maaring muling lumakas at maging severe tropical storm ang bagyo.