Bago bawian ng buhay, dating Montalban Mayor Elyong Hernandez sinabing hindi siya sangkot sa ilegal na droga
Bago tuluyang bawian ng buhay, nagawa pang makapagsulat ni dating Montalban Mayor Cecilio “Elyong” Hernandez na nagsasabing siya at ang kaniyang anak ay hindi sangkot sa ilegal na droga.
Ang mag-amang Elyong Hernandez at incumbent Mayor Tom Hernandez ay dati nang napaulat na kasama sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga narco-politician.
Ibinahagi ng anak ng dating alkalde ang larawan ng sulat-kamay ng kaniyang ama bago ito bawian ng buhay matapos tamaan ng COVID-19.
Bagaman hindi na halos malinaw at mabasa ang pagkakasulat, sinabi ng kaniyang anak na si Kapitana Karen Mae ‘Mayet’ Hernandez na isinulat ng kaniyang ama ang mga katagang “Hindi Narcolist MagAma”.
Sinabi ng kapitana na hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay ay ninais ng kaniyang ama na manaig ang katotohanan.
Panawagan pamilya sa mga kalaban sa pulitika ng kanilang angkan, huwag gamitin ang usapin sa ilegal na droga sa pamumulitika.
“Hanggang sa huli katotohanan ang gusto mo manaig. Nahihirapan ka na nung March 11 bago ka mawala at hindi ka na rin makapagsalita pero gusto mo parin sabihin ang totoo. Kaya isinulat mo to Papa “Hindi Narcolist MagAma” At alam kong totoo yan Papa! Alam ko ding alam ng Diyos yan,” ayon kay Kapitana Hernandez.