“Ayuda” mula sa national government, bahay-bahay na ipamamahagi sa Montalban, Rizal
Gagawing house-to-house o bahay-bahay ang pamamahagi ng ‘ayuda” mula sa national government sa mga kwalipikadong benepisyaryo na naapektuhan ng pag-iral ng Enhanced Community Quarantine sa NCR Plus.
Sa post sa Facebook Page ni Montalban, Rizal Mayor Tom Hernandez, ipinaliwanag na nagsagawa ng local census o CMBS at isinailalim sa panayam ang mga residente.
Sinabi din ni Hernandez na napagpasyang “cash” na ipamamahagi ang ayuda na P1,000 kada kwalipkadong indibidwal o hindi lalagpas ng P4,000 kada pamilya.
Ngayong araw, April 10 ay inihanda na ang mga dokumento upang agarang masimulan ang implementasyon.
Gayunman, kinailangan pa ding dumaan sa mga proseso ng accounting at Commission on Audit (COA) upang masigurado na tama at naayon sa pamantayan o panuntunan ng DILG ang paglalabas ng pondo.
Bukas, April 11 at sa April 12 ay isasailalim sa orientation ang mga barangay na magiging katuwang sa implementasyon o sa pamamahagi ng ayuda.
At sa April 13 ay inaasahang masisimulan na ang sabayang pagbabahay-bahay para pamamahagi ng cash assistance.
Ayon pa sa pahayag, lahat ng napasama sa local census o CBS ay makatatanggap ng ayuda, habang ang iba na hindi nagpasailalim sa interview sa local census ay magfi-fill up ng “Grievance Form” na sasailalim sa pag-aaral ng Grievance Committee.