Apela ni Go sa gobyerno bilisan ang proseso sa pagbili ng COVID-19 vaccines ng LGUs
Hiniling ni Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na madaliin ang proseso para sa pagbili ng COVID-19 vaccines ng mga lokal na pamahalaan.
Sinuportahan ni Go ang resolusyon sa Senado na naglalayong mapayagan ang mga local government units na bumili ng sarili nilang COVID-19 vaccines para sa kanilang constituents.
At dahil kailangan ng guidance ng national government, dapat madaliin ang proseso upang sa laong madaling panahon ay magkaroon ng supply ng ligtas safe at epektibong bakuna.
“Ako po, sang-ayon ako roon. Kung saan pwedeng mapabilis basta aprubado lang po ito ng FDA (Food and Drug Administration). Karamihan sa ating LGUs ay may sariling pondo. May mayayamang LGUs na may sariling pondo na naglaan na ng kanilang pondo,” ayon ka Go sa kaniyang pahayag sa pagbisita nito sa Taytay, Rizal.
Aminado si Go na kabilang sa magiging problema ang suplay dahil maraming bansa ang bumibili ng bakuna.
Marami aniyang bansa ang bumibili ng maraming suplay dahil marami silang pera.
“Problema po ngayon ang supply dahil law of supply and demand po ‘yan, habang ang ibang bansa po ay bumibili ng vaccine na doble o more than their population pa po dahil may pera po sila,” dagdag ng senador.
Karamihan aniya sa mayayamang bansa ay matagal nang nakapaglagak ng downpayment para sa bakuna.
“Matagal na po silang nakapag-downpayment, mga ilang buwan na po ang nakararaan dahil naninigurado po sila. Tayo, hindi pa tayo nakabayad. ‘Di pa nga napirmahan ang supply agreement eh, sangkatutak na pong away rito o pagdududa,” sinabi pa ni Go.
Apela ni Go sa ehekutibo at sa kongreso, magkaisa upang maging maayos ang proseso ng pagbili ng bakuna at masimulan na ang vaccination program.
Sinabi ni Go na nakausap din niya si Pangulong Rodrigo Duterte at si Senate President Vicente Sotto III kaugnay sa mga pagdududa sa sa ginagawang hakbang ng gobyerno sa pagbili ng bakuna.
Sinabi aniya ng pangulo na aatasan nito si Vaccine Czar Carlito Galvez na ipakita ang nilalaman ng mga pinasok na kasunduan kay Sotto upang matapos na ang mga pagdududa.
“Sabi ni Pangulong Duterte, inatasan niya po si Sec. Galvez na ipakita ang kasunduan kay SP Sotto para matapos na ang pagdududa at haka-haka na kasalukuyang tinatalakay sa Senado,” paliwanag ni Go.
Sinabi ni Go na ginagawa lahat ng pamahalaan sa pangunguna ni Galvez upang masiguro hindi magkakaroon ng paglabag sa Non-Disclosure Agreement.
Sinabi ni Go na maari kasi itong mag-resulta sa pag-terminate ng kasunduan.
“Ang importante po dito ay di po madelay ang vaccine implementation ng ating gobyerno dahil napakatagal na po nag-aantay ang taumbayan. Ang ibang bansa po ay nag umpisa na magturok pero tayo nasa kalagitnaan pa tayo (ng negosasyon tapos) puro pa away at pagdududa sa usapang vaccine,” ayon pa kay Go.
Tiniyak ng senador na nais ng senado na magkaroon ng transparency sa publiko sa pagbili ng mga bakuna.
Ayaw aniya ng senado na magkaroon ng pagdududa ang publiko.
“Amin naman po dito, we want transparency, as a legislator, as a senator, we want transparency. Ayaw nating magduda ang taumbayan at ayaw nating may masayang ni piso na pera po ng taumbayan,” sinabi pa ng senador.
Siniguro ni na titiyakin nila ni Pangulong Duterte na hindi mababahiran ng korapsyon ang pagbili ng mga bakuna.
Bilang chairman ng Senate Committee on Health siniguro ni Go na babantayan niya ang proseso.
Kabilang din aniya sa sisiguruhin ang kaligtasan at pagiging epektibo ng bibilhing bakuna.
“Si Pangulong Duterte mismo ay ‘di papayag na magkaroon ng korapsyon. Ako mismo, bilang Chair ng Senate Committee on Health, babantayan ko po ‘yan. Sa mga nasa executive, mga nagtatrabaho kay Pangulong Duterte, alam n’yo po kapag naamoy ni Pangulong Duterte, naamoy lang niya na may corruption, ni utot ng korapsyon sa gobyerno, yayariin niya po talaga,” ayon kay Go. (D. Cargullo)