Ad hoc committee binuo ng Antipolo Diocese para imbestigahan ang pagkasawi ng isang pari sa Taytay
Bumuo ng ad hoc committee ang Diocese ng Antipolo para imbestigahan ang pagkamatay ng isang pari sa Taytay, Rizal.
Si Fr. Nomer De Lumen ay natagpuang walang buhay at may tama ng bala sa kaniyang baba sa loob ng St. John the Baptist Parish Church sa Taytay.
Sa inilabas na ‘decree’ ni Antipolo Bishop Francisco De Leon, ang binuong komite ay magsasagawa ng internal investigation batay na din sa kahilingan ng pamilya ng nasawing pari.
Ang komite ay pamumunuan ni Auxilary Bishop Nolly Buco bilang chairman, at miyemrbo ng komite sina Dr. Aly Barcina at Fr. Jeffrey Quintela.
Inatasan ang komite na alamin ang totoong dahilan ng pagkasawi ni Fr. De Lumen.
Pinaghahanap din sila ng mga testigo at eksperto para mabigyang linaw ang insidente.
Kailangang makapagsumite ng report at rekomendasyon ang komite hanggang sa Nov. 30, 2020.
Sa naging imbestigasyon ng pulisya, si De Lumen ay nakitang walang buhay at may katabi itong baril na mayroon pang dalawang bala.
May nakita ding basyo ng bala sa lugar.
Batay sa pahayag ng mga nakausap ng mga pulis, si De Lumen ay mayroon umanong family problem.