NCRPO pinaigting ang pagtugis sa mga “Micro-scam hub” sa Metro Manila
Mas pinaigting ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kampanya nito laban sa mga lihim na operasyon ng scam hub sa Metro Manila.
Nangako si NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano na patuloy na paiigtingin ang pagtugis sa mga ilegal na operasyong ito, kasunod ng pahayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na may tatlong aktibong “micro-scam hub” sa kalakhang Maynila, bagama’t hindi pa natutukoy ang eksaktong lokasyon ng mga ito.
“These criminal groups may change locations, shrink their operations, and hide behind ordinary-looking establishments or residential properties, but they cannot operate beyond the reach of the law. We will tighten the net, pursue every credible lead, and work relentlessly to identify those behind these schemes,” ani PBGen. Abrahano.
Sa ilalim ng pamumuno ni PBGen. Abrahano, masusing magsasagawa ng imbestigasyon at intel gathering ang limang police district ng NCRPO sa pamamagitan ng pangangalap ng impormasyon, pagsubaybay sa mga kahina-hinalang aktibidad, at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, at mga kinatawan ng komunidad upang matukoy ang mga operasyon ng scam at makilala ang mga taong sangkot dito.
Tinututukan din ng NCRPO ang pagtukoy sa mga nasa likod ng operasyon gayundin kung sino ang tagapag-organisa, taga-recruit, taga-pondo, at iba pang katuwang, upang matiyak na hindi lamang mga lokasyon ang matutunton kundi pati ang mga taong nagpapatakbo at sumusuporta sa mga ilegal na gawain.
Binigyang-diin ni PBGen. Abrahano na hindi magiging hadlang sa pulisya ang paglilipat ng mga operasyon sa mas maliliit at nakatagong pasilidad upang patuloy na tugisin ang mga responsable.
“Our objective is clear: locate these operations, dismantle their networks, and bring those responsible to justice. We will not allow Metro Manila to become a safe haven for individuals who exploit technology to deceive and victimize the public,” ani PBGen. Abrahano.
Hinimok ng NCRPO ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad ireport ang mga pinaghihinalaang aktibidad ng panloloko.
Sa gitna ng patuloy na pagbabago ng mga pamamaraan ng mga grupong sangkot sa scam, tiniyak ng NCRPO na lalo pa nitong palalakasin ang mga operasyong nakabatay sa impormasyong nakalap, patuloy na makikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya, at susundan ang bawat mapagkakatiwalaang impormasyon upang mapatigil ang mga ilegal na aktibidad at maprotektahan ang publiko laban sa pandaraya at panloloko online. (Bhelle Gamboa)
