Mas maigting na proteksiyon sa mga opisyal at kawani ng barangay, inutos ng NCRPO
Ipinag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher N. Abrahano sa limang police district sa Metro Manila na palakasin ang pakikipagtulungan sa mga opisyal at tauhan ng barangay upang matukoy ang mga posibleng banta at matiyak ang kanilang kaligtasan sa pagtupad ng mga tungkulin bilang mga kawani ng pamahalaan.
Inatasan din niya ang mga hepe ng himpilan na agarang aksiyunan ang mga ulat ng pagbabanta at pananakot, magpatupad ng angkop na hakbang sa seguridad, at tiyaking maayos na naitatala at iniimbestigahan ang mga insidente.
Bahagi ito ng pagsusulong ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez, Jr. sa mas matibay na ugnayan ng pulisya at komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.
“Barangay officials and workers are our partners in keeping communities safe. They should be able to perform their responsibilities without fear of threats or violence. I am directing our police commanders to take their security concerns seriously, act promptly on credible reports, and ensure that appropriate preventive and investigative measures are undertaken,” ani PBGen. Abrahano.
Binigyang-diin din ng NCRPO Chief na dapat saklawin ng pagbibigay ng proteksiyon ang mga tauhan ng barangay na nagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, kabilang ang mga barangay tanod, na maaaring malagay sa panganib habang rumeresponde sa mga kaguluhan, tumutulong sa pagpapatupad ng batas, o nagpapanatili ng kaayusan sa kanilang mga nasasakupan.
Nagbigaydin ng direktiba si PBGen. Abrahano sa mga yunit ng pulisya na suriin ang mga paulit-ulit na suliranin sa seguridad sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal at magrekomenda ng mga angkop na hakbang upang matugunan ang mga ito, habang iginagalang ang mga itinakdang prosesong legal at karapatan ng lahat ng sangkot na panig.
“Protecting our community partners is part of our responsibility to the public. We must work together to prevent threats from escalating into violence and ensure that those who serve their fellow residents can carry out their duties safely,” dagdag ng NCRPO OIC. (Bhelle Gamboa)
