BuCor nagpasalamat sa tulong ni FL Liza sa PDLs

BuCor nagpasalamat sa tulong ni FL Liza sa PDLs

Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. kay First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos sa pagtulong sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa kanyang pagbisita sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

Sinabi ni Catapang na ang pagbisita ang kauna-unahan sa kasaysayan ng BuCor na ang isang Unang Ginang ng Pilipinas ay bumisita sa NBP.

Aniya ang Unang Ginang ay personal na nangangasiwa sa mga programang nagsusulong sa dignidad ng tao, legal na tulong, alagang pangkalusugan, at rehabilitasyon na nagbigay-diin sa patuloy na pangako ng administrasyon sa mga makataong serbisyo sa loob ng kulungan at akses sa hustisya.

“The First Lady’s visit reminds us that behind every prison wall are individuals who, despite their past mistakes, remain deserving of dignity, compassion, and opportunities for meaningful transformation,” sabi ni Catapang.

Idinagdag pa ni Catapang na ang partisipasyon ng FL ay napakahalaga para sa PDLs dahil sinamahan nito ang mahigit 200 na abogadong volunteer mula sa Ateneo Utopia Fraternity, Women of Aleitheia Sorority, National Bureau of Investigation, National Telecommunications Commission, Integrated Bar of the Philippines, at PCL Law.

Nagkaloob ng libreng legal services ang mga volunteer lawyers sa mga PDLs kabilang ang pagrebyu sa kanilang mga kado at mga dokumentong legal.

Sa temang “Kulay, Kalinga, Katarungan at Kalayaan,” ang pagbisita ay naghatid ng pagkakaisa ng mga institusyon ng pamahalaan, legal practitioners, medical professionals, mga pribadong organisasyon, at volunteers sa pinagsama-samang hakbang para sa kapakanan, rehabilitasyon, at reintegrasyon ng PDLs.

Ipinaliwanag ni Catapang na bawat salita sa tema ay nagpapakita ng mahalagang bahagi sa misyon ng BuCor. Ang “Kulay” ay sumisimbolo ng malikhain at personal na transpormasyon; “Kalinga” na nagpapakita sa responsibilidad ng gobyerno na magbigay ng makataong pagtrato, alagang kalusugan, at malasakit; “Katarungan” na nagbibigay-diin sa akses sa hustisya o katarungan at karapatang legal; at “Kalayaan” na simbolo ng pag-asa sa pagbabalik sa lipunan bilang reporma at produktibong mamamayan.

“Imprisonment should not mean the end of hope,” pahayag ni Catapang at binigyang halaga nito ang tungkulin ng BuCor para sa seguridad at kustodiya kasama ang edukasyon, pagsasanay pangkabuhayan, rehabilitasyon, at repormasyon.

“Successful correctional management is not measured only by the number of individuals we confine, but also by the number we successfully prepare for freedom,” pagtatapos nito. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *