Tulong sa mga batang biktima ng insidente at kanilang pamilya tiniyak ng NCRPO

Tulong sa mga batang biktima ng insidente at kanilang pamilya tiniyak ng NCRPO

Siniguro ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagbibigay ng kinakailangang tulong at suporta sa mga batang biktima ng insidente sa Metro Manila at sa kanilang pamilya habang sila ay nagpapagaling at bumabangon mula sa trauma.

Inatasan ni NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano ang lahat ng kinauukulang yunit ng pulisya na mahigpit na makipag-ugnayan sa mga biktima at kanilang mga pamilya, mapadali ang pagkuha ng angkop na serbisyong medikal at suportang psychosocial, ipabatid sa kanila ang tinatakbo ng kaso, at tiyaking napangangalagaan ang kanilang mga karapatan, kaligtasan, at kapakanan sa buong proseso ng imbestigasyon at paglilitis.

Kasunid ito ng nangyaring pananaksak sa isang 13-anyos na child actor ng kanyang 15-anyos na kapitbahay noong Oktubre 12 sa Quezon City, na umano’y nag-ugat sa hindi pagkakaunawaan tungkol sa isang account sa online game.

Nasampahan na ng reklamong frustrated murder ang batang sangkot sa paglabag sa batas (child in conflict with the law o CICL) na kasalukuyang nasa kustodiya ng Molave Youth Home alinsunod sa umiiral na mga batas.

Ang biktima, na nagtamo ng maraming saksak, ay unang na-admit sa intensive care unit at iniulat na nasa maayos nang kondisyon.

Sa hiwalay na insidente sa Tondo, Manila, isang 17-anyos na estudyante ang naiulat na nakaranas ng matinding trauma matapos umanong holdapin ng isang 27-anyos na suspek na kumuha sa cellphone ng biktima.

Inaresto ang suspek noong Oktubre 16, habang nagpapatuloy ang operasyon upang mabawi ang ninakaw na cellular phone.

Agad inutos ni PBGen. Abrahano sa mga kinauukulang yunit ng pulisya na isagawa nang maayos ang imbestigasyon, kabilang ang pagsisikap na mabawi ang ninakaw na gadget.

“Our responsibility does not end with the arrest of a suspect. We must also ensure that victims, especially children, receive the protection, assistance, and support they need as they recover and seek justice,” ani PBGen. Abrahano.

Nanawagan din ang NCRPO sa mga magulang, tagapag-alaga, at buong komunidad na tulungan ang mga kabataan na harapin at lutasin nang maayos ang mga hindi pagkakaunawaan, lalo na kung ang mga ito ay naaapektuhan ng mga online games.

“We will continue to pursue these cases with urgency and diligence. More importantly, we will stand with the victims and their families throughout this difficult time,” dagdag ni PBGen. Abrahano. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *