NCRPO, hinimok ang publiko na bumili ng ligtas at sertipikadong mga produkto sa papalapit na Holiday shopping season

NCRPO, hinimok ang publiko na bumili ng ligtas at sertipikadong mga produkto sa papalapit na Holiday shopping season

Hinimok ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sa ilalim ng pamumuno ni Officer-in-Charge PBGen Christopher Abrahano, ang publiko na maging mapanuri at responsable sa pagbili ng mga produkto ngayong papalapit ang holiday shopping season.

Kasunod ito ng babala ng Department of Trade and Industry (DTI) laban sa mga produktong walang sertipikasyon at posibleng hindi ligtas na ibinebenta sa mga pisikal na tindahan at online marketplace.

Ayon kay PBGen Abrahano, hindi lamang pag-iwas sa krimen ang saklaw ng kaligtasan ng publiko, kundi pati na rin ang pagprotekta sa mga pamilya laban sa mga panganib na dulot ng mga substandard, peke at walang wastong sertipikasyon.

“Sa paghahanda natin para sa holiday season, dapat maging matalino at mapanuri sa pamimili. Let us prioritize safety and responsible shopping to avoid falling victim to scams and counterfeit products,” pahayag ni PBGen. Abrahano.

Pinaalalahanan din ng NCRPO chief ang mga mamimili na hanapin ang Philippine Standard (PS) Mark at Import Commodity Clearance (ICC) sticker sa mga produktong kinakailangang sumailalim sa mandatoryong sertipikasyon. Dapat ding suriin ang mga label, impormasyon ng manufacturer o importer, warranty, at mga tagubilin sa kaligtasan bago tuluyang bilhin ang isang produkto.

Binigyang-paalala rin ng NCRPO ang publiko na mahilig sa online shopping na tiyakin ang pagiging lehitimo ng mga online seller, basahing mabuti ang mga paglalarawan ng produkto, at mag-ingat sa mga alok o promo na tila napakaganda upang maging totoo.

Ayon pa sa opisyal marapat na ingatan at itago ng mamimili ang mga resibo at digital na tala ng transaksiyon upang magamit bilang ebidensiya sa mga reklamo o imbestigasyon kung kinakailangan.

“We urge everyone to report any suspected illegal activities and the sale of potentially hazardous or counterfeit products to the proper authorities for further investigation.” dagdag niya.

Panawagan ng NCRPO sa mga may-ari ng negosyo at retailer na panindigan ang mga pamantayan sa pangangalaga sa mamimili, tiyaking sumusunod sa mga umiiral na batas at regulasyon, at iwasang magbenta ng mga ipinagbabawal o hindi sumusunod sa itinakdang pamantayan ng produkto. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *