Caloocan tumanggap ng “Gawad Kalasag Seal”; itinanghal bilang Best Highly-Urbanized City sa larangan ng disater response

Caloocan tumanggap ng “Gawad Kalasag Seal”; itinanghal bilang Best Highly-Urbanized City sa larangan ng disater response

Mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nagparangal ng Gawad Kalasag Seal kay Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan dulot ng pagkilala ng Office of Civil Defense – National Disaster Risk Reduction and Management Council (OCD-NDRRMC) sa lungsod bilang Best Highly-Urbanized City sa buong bansa para sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) and Humanitarian Assistance programs.

Ang nasabing pagkilala ay iginawad ng OCD-NDRRMC sa Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, kasama ang City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD), para sa mga DRRM programs na ipinatupad nito na humigit pa sa internasyunal na batayan at sa pagsiguro ng kahandaan laban sa mga sakuna sa lahat ng antas ng lipunan, lalong-lalo na sa pagtatayo nito ng mga Alert and Monitoring Station sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod kasama pa ang tuloy-tuloy na pagseserbisyo ng sarili nitong emergency hotline, 888-ALONG.

Ipinagmalaki ni Mayor Along ang pagtanggap ng nasabing parangal at nabanggit na bagaman ito ay katuparan ng kanyang layunin na maging isa sa mga nangungunang local government unit pagdating sa DRRM, isa rin itong inspirasyon na patuloy na paunlarin ang mga pasilidad, kagamitan, at polisiya ng pamahalaang lungsod.

“Isang malaking karangalan na tanggapin mula mismo kay Pangulong Bongbong Marcos ang pagkilala bilang numero uno sa buong Pilipinas pagdating sa pagtugon sa mga sakuna at kalamidad,” ani Mayor Along.

“Natatandaan ko na noong aking unang isang daang araw, sinabi ko na pangarap ko na maging isa tayo sa mga nangungunang Disaster Risk Reduction Management Office sa Pilipinas. Ngayong nagkaroon na ito ng katuparan, isang hamon po ito sa buong pamahalaang lungsod kung paano pa mas palalakasin at palalawakin ang ating mga programa,” pagdedeklara niya.

Binati naman ng alkalde ang CDRRMD at tiniyak na ang lahat ng mga kagawaran ng pamahalaang lungsod ay patuloy na magtutulungan upang pangalagaan ang publiko sa panahon ng kalamidad at iba pang emergency.

“Congratulations sa ating CDRRMD sa pagkamit ng Gawad Kalasag! Ito ang tanda ng ating mahusay na pagseserbisyo sa mga Batang Kankaloo kaya naman mas pag-igihan pa natin ang pagtutok sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga kababayan, upang maging panatag sila hindi lamang sa panahon ng matinding sakuna kundi sa kahit anong hindi inaasahang pangyayari,” ayon sa Punong Lungsod.

Matatandaang tatlong sunod na Gawad Kalasag Award para sa regional level na ang natanggap ng pamahalaang lungsod sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Along. (DDC)

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *