Mas mataas na multa sa mga lalabag sa EDSA Bus Lane policy, ipatutupad na simula Nov. 13
Simula bukas, Nobyembre 13, ipapatupad na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mas mataas na multa sa mga lalabag sa EDSA bus lane policy.
Ang pagtaas ng multa para sa mga hindi otorisadong sasakyan na dumaraan sa bus lane ay para sa kaligtasan ng mga motorista at para hindi maantala ang biyahe ng pampasaherong buses na dumadaan sa exclusive lane.
Maliban sa bus, ang pinapayagan lamang dumaan sa inner lane ng EDSA ay ang mga ambulansya at iba pang sasakyan na ginagamit sa pagtugon sa emergency.
Batay sa bagong multa na ipatutupad ng MMDA, pagmumultahin ng P5,000 ang motorista para sa first offense, habang P10,000; 1 month suspension ng driver’s license, at sasailalim sa road safety seminar para sa second offense.
Sa ikatlong paglabag ay P20,000 na ang multa at isang taon na suspensyon ng driver’s license.
Habang sa ikaapat na paglabag ay P30,000 na multa at ipakakansela na ang driver’s license. (DDC)