Vax drive kontra cervical cancer para sa kabataan sa Las Piñas isinagawa
Pinagkalooban ng bakuna laban sa sakit na cervical cancer ang mahigit 1,200 na kabataang babae sa Las Piñas City.
Ito ay bahagi pa rin sa mga proyektong serbisyo ng Pamahalaang Lokal ng Las Piñas sa inisyatibo nina Mayor Imelda “Mel” Aguilar at Vice Mayor April Aguilar na naglalayong siguruhin ang kapakanan at kalusugan ng mga Las Piñeros ngayong Buwan ng Kababaihan.
Pinangasiwaan ng mga doktor ng City Health Office ang pagbibigay ng HPV vaccine sa mga kabataang babae na nasa edad 9 hanggang 14, sa ginanap na vaccination drive sa Talon Uno Elementary School at CAA Elementary School nitong Marso 14.
Bukod rito, dumalo rin sa kaganapan ang mga resource speakers na dalubhasa ukol sa cervical cancer kung saan nagbigay ng mga makabuluhan at magagandang pananaw kung paano mapigilan at makontrol ang nasabing nakamamatay na sakit. (Bhelle Gamboa)