NCR Plus dapat gawing prayoridad sa pagbabakuna kontra COVID-19 ayon kay Speaker Velasco
Hinikayat ni House Speaker Lord Allan Velasco ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na gawing prayoridad ang National Capital Region (NCR) Plus at iba pang urban centers na may mataas na kaso ng COVID-19 sa vaccine rollout.
Ito ay sa sandali aniyang matapos nang mabakunahan ang lahat ng medical frontliners sa bansa.
Ani Velasco, mahalagang matapos mabakunahan ang lahat ng 1.7 million health care workers sa buong bansa para maging tiyak ang proteksyon nila laban sa sakit.
Kasunod nito, sinabi ni Velasco na dapat gawing prayoridad sa pagbabakuna ang NCR Plus, Mega Cebu, Davao, Cagayan de Oro at iba pang regional centers sa bansa.
Bunsod ito ng nararanasang mataas na kaso ng COVID-19 sa nasabing mga lugar.
Hanggang sa buwan ng Hunyo ngayong taon ay inaasahang makatatanggap ang bansa 10 million doses ng bakuna.
“Our efforts should be strategic as we wait for the time until our vaccine supplies become stable,” ayon kay Velasco.