Mga barko ng China sa Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc pinaalis ng pamahalaan
Ipinrotesta ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa panghahamon na ginagawa ng Chinese Coast Guard (CCG) sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagsasagawa ng lehitimong maritime patrols at training exercises sa bisinidad ng Bajo de Masinloc.
Nangyari ang insidente ayon sa DFA noong April 24 at 25 kung saan nagsagawa ng shadowing, blocking, delikadong maneuver at panghahamon ang CCG.
Ipinrotesta din ng DFA ang ilegal, matagal at tumataas na presensya ng Chinese fishing vessels at maritime militia vessels sa maritime zones ng Pilipinas.
Ayon sa DFA, nagsimula ang presensya ng China noong January 1, 2021.
Sinabi ng DFA na daan-daang barko ng China ang nagsasagawa ng hindi otorisadong aktibidad sa West Philippine Sea, partikular sa Pag-asa Islands, Zamora Reef, Panata at Kota Islands, Ayungin Shoal, Quirino Atoll at Bajo de Masinloc.
Ayon sa DFA, walang kahit na anong law enforcement rights and China sa nasabing mga lugar.
Ang presensya ng CCG vessels sa territorial waters ng Pilipinas sa Pag-asa Islands at Bajo de Masinloc at iba pang exclusive economic zone ng bansa ay seryosong usapin ayon sa DFA.
Dahil dito nananawagan ang DFA sa China na alisin ang lahat ng kanilang Government vessels sa KIG at sa Bajo de Masinoc at respetuhin ang soberanya ng bansa.