96-anyos na lolo sa Caloocan gumaling sa COVID-19
Ipinagdiwang ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang paggaling mula COVID-19 ng isang lolo kasabay ng kanyang ika-96 na kaarawan.
Pagkatapos ng 14-araw na pananatili sa “Kanlungan Quarantine Facility” ay idineklara nang magaling mula sa coronavirus disease ang nasabing senior citizen at ang anak nito.
Lubos din ang pasasalamat nito sa Lokal na Pamahalaan ng Caloocan para sa pag-aalaga sa kanya at kanyang anak habang sila ay nasa pasilidad.
Nagpaabot naman ng pagbati si Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan sa paggaling ng mag-amang naging biktima ng COVID-19.
“Ang paggaling ng isang 96 years old mula sa COVID-19 ang patunay na may pag-asa ang bawat laban kontra sa virus na ito kahit ano pa ang iyong edad. Sana’y magsilbing inspirasyon ang kanyang paggaling para sa lahat ng mga lumalaban ngayon sa COVID-19 upang huwag sumuko at magiging isang inspirasyon din ito sa amin upang ipagpatuloy at pag-igihan pa ang mga programa ng pamahalaang lungsod laban sa COVID-19,” pahayag pa ni Mayor Oca.
Bilang pagdiriwang, naghanda ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng pagkain na mapagsasaluhan ng kanilang pamilya. Nakatanggap rin siya ng prutas, kalakip ng kaunting halaga mula sa lungsod.
May pahayag si lolo na nasa 100 taong gulang na siya subalit batay sa tala ng Office of Senior Citizens Affairs (OSCA), ipinanganak ang nasabing senior citizen noong Agosto 25, 1924.