Duterte at Xi walang verbal agreement sa pangingisda ng China sa West Philippine Sea
Itinanggi ng Malakanyang na mayroong kasunduan sina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese Pres. Xi Jinping sa pangingisda ng China sa West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, walang katotohanan ang mga spekulasyon na may “verbal fishing agreement” sa pagitan nina Duterte at Xi.
Reaksyon ito ng Malakanyang sa pahayag ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio na kaya hindi sineseryoso ng China ang mga diplomatic protest ng DFA at warnings ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ay dahil sa kasunduan ng dalawang pangulo.
Ayon kay Roque, maaari lamang isagawa ang fishing agreement sa ilalim ng batas ng Pilipinas sa pamamagitan ng pag-adopt sa treaty sa ilalim ng Article 2 (1) (a) ng Vienna Convention on the Law on Treaties.
Sinabi rin ni Roque na hindi kinukunsinti ni Pangulong Duterte ang labag sa batas na pangingisda ng anumang bansa sa Philippine waters.