Apat na crew patay sa pagsadsad ng sinasakyang barko sa Surigao del Norte
Nasawi ang apat na crew ng isang barko na sumadsad sa karagatang sakop ng Surigao del Norte.
Ayon kay Philippine Coast Guard spokesperson, Commodore Armand Balilo, pitong crew ang nakaligtas sa insidente habang pinaghahanap ang siyam pang nawawala.
Sa inilabas na incident report ng PCG ang LCT Cebu Great Ocean ay sumadsad sa baybayin ng Barangay Cantapoy, Malimono, Surigao del Norte alas 3:38 ng hapon noong Lunes, April 19.
Unang iniulat na nawawala ang 20 crewmembers ng naturang barko.
Base sa inisyal na imbestigasyon, ang LCT Cebu Great Ocean ay may kargang mga nickel ore at 2,000 litro ng diesel.
Agad nagtalaga ng mga tauhan ang PCG Station Surigao del Norte para hanapin ang mga nawawalang crew.
Nakipag-ugnayan din sa Marine Environmental Protection Unit (MEPU) ng PCG District North Eastern Mindanao para magsagawa ng inspeksyon sa posibleng pagkakaroon ng oil spill.