Fixed Broadband Internet sa bansa bumilis pa; umangat ng 19 na puntos sa Global Ranking
Mas bumilis pa ang fixed broadband internet sa Pilipinas at umangat ng 19 puntos sa global ranking sa nakalipas na dalawang buwan.
Ito ay batay sa March Ookla Speedtest Global Index report na inilabas kamakailan.
Ayon sa datos ng Ookla, nakapagtala ng 7.79Mbps na pagtaas sa bilis ng internet sa bansa. Mula sa 38.46Mbps noong nakaraang buwan ng Pebrero ay naging 46.25Mbps nitong Marso.
Katumbas ito ng monthly increase na 20.25% at 484.70% increase mula sa download speed ng bansa na 7.91Mbps noong Hulyo 2016.
Ayon sa Ookla, sa 177 na mga bansa na isinailalim sa pag-aaral, ang fixed broadband speed ng Pilipinas ay nasa ika-81 puwesto na.
Dahil sa pag-angat ng Pilipinas sa pwesto noong Marso ay naging “2nd best” na ang bansa sa buong mundo kasunod ng bansang Oman.
Nakapagtala namn ng bahagyang pagbaba sa overall performance ng mobile network sa bansa.
Umabot sa 25.43Mbps ang average download speed noong Pebrero kumpara sa 26.24Mbps noong nakaraang buwan.
Sa kabila ng bahagyang pagbaba, ang kasalukuyang mobile network performance sa Pilipinas ay mas mataas pa rin ng 241.80% kumpara sa speed nito na 7.44Mbps noong Hulyo 2016.
Ang average mobile download speed naman na 24.72Mbps mula Enero hanggang Marso ngayong taon ay tumaas din ng 29.22% mula sa 19.13Mbps na naitala noong Oktubre hanggang Disyembre 2020.
Sinabi rin ng Ookla na ang pagtaas sa mobile speeds na naitala nitong mga nakaraang buwan ay nagresulta sa pagtaas ng Pililipinas sa global ranking. Noong Disyembre 2020 ay umangat ng 14 puntos ang bansa sa ranking at 10 puntos na pag-angat noong Enero 2021.
Sa 140 mga bansa, ang Philippine mobile speed ay nasa ika-86 na puwesto noong Enero 2021 mula sa ika-111 sa kaparehong petsa noong 2020.
Dahil dito, naungusan na ng Pilipinas ang mga bansang Russia, Malaysia at Indonesia.
Sa 140 bansang isinailali sa speed test, ang Pilipinas ay nasa ika-86 puwesto.
Habang sa 50 mga bansa sa Asya, nasa ika-22 puwesto ang Pilipinas sa internet speed sa fixed broadband at pang-25 sa mobile broadband.
Sa Asia-Pacific, ang Pilipinas ay ika-16 sa fixed broadband at pang-15 sa mobile broadband mula sa 46 mga bansa.
Ang bansa ay panglima na ngayon sa fixed broadband at nasa ikapitong puwesto sa mobile mula sa 10 ASEAN countries.
Ang pagbuti ng internet speed sa bansa ay matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 2020 na madaliin ang pag-iisyu ng LGU permits para sa pagtatayo ng cellular towers.
Noong Marso 8, 2021 ay pormal na ring inilunsad ang operasyon ng DITO Telecommunity sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao.
Target ng third telco sa bansa na maserbisyuhan ang Metro Manila sa kalagitnaan ng 2021.
Bunsod ng pagpasok ng DITO sa telco market competition ay inaasahan ang lalo pang pagbuti ng serbisyo ng internet sa bansa.