Pasahero galing Samar siningil ng P1,350 na pamasahe sa taxi; driver inaresto ng MIAA police
Inaresto ng mga tauhan Manila International Airport Authority (MIAA) – Police Intelligence and Investigation Division (PIID) ang driver ng isang white taxi dahil sa paniningil ng labis sa kaniyang pasahero.
Ayon sa MIAA, dumating sa NAIA si Earl Buna, galing Samar noong March 28, 2021, at sumakay ng taxi sa Andrews Avenue sa NAIA Terminal 3 para ihatid siya sa Makati Citiy.
Nang dumating sa destinasyon, doon lamang napansin ni Buna na hindi pinagana ang metro ng taxi at sinisingil siya ng P1,350 ng driver.
Napilitan si Buna na magbayad ng P1,200 sa driver pro agad siyag naghain ng reklamo laban sa driver.
Ibinahagi din niya ang naging karanasan sa kaniyang Facebook account.
Noong April 15 ay namataan ng mga tauhan ng MIAA-PIID ang taxi base sa reklamo ni Buna sa bahagi gn Andrews Avenue sa harap ng NAIA Terminal 3.
Agad dinakip ang driver na nakilalang si Ramon Go.
Aminado naman si Go na siningil niya ng sobra-sobra si Buna. Isinauli din nito ang sobrang pamasahe na ibinayad ng biktima.
Kalaunan ay nagpasya si Buna na patawarin ang taxi driver “for humanitarian reasons”.