Dating Pangulong Erap balik-ICU dahil sa lung infection
Ibinalik si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada sa intensive care unit (ICU) bunsod ng bacterial lung infection, ilang araw matapos ideklarang negative na ito sa COVID-19.
Sa Facebook post ni dating Senador Jinggoy Estrada, inanunsyo nito na bahagyang nagkaroon ng setback ang kanyang ama kagabi makaraang ma-diagnose ng mga doktor na mayroon itong super imposed bacterial lung infection.
Aniya, ibinalik ang dating pangulo sa regular ICU (non-COVID) para sa monitoring and support ng kanyang blood pressure na nagpa-fluctuate dahil sa nasabing impeksyon.
Tiniyak naman ng nakababatang Estrada na stable ang kanyang ama, sa tulong ng high flow oxygen.
Muli ay umapela ng dasal ang pamilya Estrada sa publiko para sa agarang paggaling ni dating Pangulong Erap at maging ang lahat ng tinamaan ng COVID-19.
April 13 nang ideklarang COVID-free na si Erap at kinabukasan at inilpat ito sa regular room mula sa ICU. / L. Soriano