Bagyo sa labas ng bansa lumakas pa, isa nang severe tropical storm ayon sa PAGASA
Lumakas pa ang binabantayang bagyo ng PAGASA na nasa labas pa ng bansa at ngayon ay nasa severe tropical storm category na.
Ang bagyo na mayroong international name na “Surigae” ay huling namataan sa layong 1,095 kilometers east ng Mindanao.
Taglay na ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 95 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 115 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 10 kilometers per hour sa direksyong pa-kanluran.
Papasok ito sa bansa mamayang gabi o kaya ay bukas ng umaga at papangalanan itong Bising.
Pinaghahanda na ng PAGASA ang publiko at ang disaster risk reduction and management offices lalo na ang mga nasa silangang bahagi ng Southern Luzon at Visayas.