26 anyos na lalaki sa Quezon pumanaw matapos bugbugin umano ng mga tanod nang mahuling lumabag sa curfew
Isang 26 anyos na lalaki sa lalawigan ng Quezon ang pumanaw matapos na bugbugin umano ng mga tanod ng barangay na humuli sa kaniya sa curfew.
Ayon sa post sa Facebook page ng Anakbayan Calamba, pambubugbog ang sinapit ni Ernanie Jimenez, 26-anyos mula sa Guinayangan, Quezon.
Nahuli siyang lumabag sa curfew at pinagbubugbog umano ng mga barangay tanod ng Purok Dos, Brgy. Turbina, Calamba, Laguna.
Nangyari ang insidente noong April 7, nang lumabas si Jimenez alas 10:00 ng gabi upang bumili ng pagkain ngunit nahuli ito ng mga tanod.
Mapayapa umanong sumama si Jimenez sa mga tanod pero dahil sa takot, ay nagdahilan itong iihi at saka nanakbo.
Nang mahanap siya ng mga tanod, ay binugbog ito dahilan para magtamo ng maraming pasa, sugat at nabasag pa ang bungo.
Nang isugod sa Calamba Medical Center (CMC) ay tinanggihan ang biktima, hanggang sa tuluyan na itong pumanaw.
Nanawagan ng hustisya ang Anakbayan Calamba sa sinapit ni Jimenez.
Ayon sa grupo, kailanma’y hindi pagdidisiplina ang pagpatay.