Modular hospital at dormitory sa Quezon Institute sa Quezon City binuksan na
Bukas na ang modular hospital at dormitory sa Quezon Institute sa Quezon City.
Ayon kay Senator Christopher Bong Go na kabilang sa panauhin sa pagbubukas ng modular hospital, ang mga healthworkers mula sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center ang mangangasiwa rito.
Ang pasilidad ay mayroon ding dormitory na may kusina, pantry, laundry area na magagamit ng mga healthcare workers.
Muli namang nakiusap si Go sa mga opisyal ng pamahalaan na damihan pa at bilisan ang pagpapatayo ng mga modular hospitals.
Ayon sa DPWH, magdadagdag pa ng 88 beds sa Quezon Institute sa mga susunod na buwan.
Bukod dito, may itinayo na ring modular hospital sa Lung Center of the Philippines at Dr. Jose Rodriguez Hospital sa Caloocan.
Magkakaroon na rin sa National Kidney and Transplant Institute, Batangas City Medical Center, at Southern Philippines Medical Center sa Davao City.
Nagkaroon din ng pagkakataon na makausap ni Senator Go si PhilHealth President at CEO Atty. Dante Gierran ukol sa mga utang na dapat bayaran ng ahensya sa Philippine Red Cross, at ang mga nabinbing valid claims sa mga pribado at pampublikong ospital.
Sinabi pa ng Senador na tinawagan na rin ni Pangulong Duterte si Atty. Gierran para ayusin ang gusot ng Philhealth sa lalo’t madaling panahon upang mas marami pang mga pasyente ang matulungan.
Samantala, pinuri naman ng Senador ang mga medical frontliners dahil sa kanilang serbisyo at sakripisyo.
Hinimok din niya ang lahat ng mga Pilipino na magkaisa at magbayanihan dahil hindi ito ang panahon ng pambabatikos at pagsisiraan.
Bagkus ito ang panahon para magtulungan upang malampasan ang pandemya bilang nagkakaisang bansa.