Ayuda mula sa national government ipamamahagi na sa Caloocan simula bukas (Apr. 7)
Sisimulan nang ipamahagi bukas ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang ayuda mula sa national government para sa mga kwalipikadong indibidwal na naapektuhan ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ito ay matapos matanggap na ng Pamahalaang Lungsod ang P1,336,190,000 pondo para sa ayuda.
Batay sa direktiba ni Mayor Oca Malapitan ay cash assistance at hindi in-kind ang magiging pamamahagi ng ayuda.
Sa listahan na nanggaling sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay hindi bababa sa 368,925 na pamilya sa lungsod ang nakatakdang makatanggap ng nasabing cash aid.
BAtay sa guidelines, ang bawat kwalipikadong indibidwal ay makakatanggap ng P1,000 o hanggang P4,000 kada pamilya.
Sa mga kwalipikadong indibidwal, kailangang hintayin ang text message mula sa Pamahalaang Lungsod para sa inyong Reference Number at magiging schedule at venue ng pay-out.