Babala ng DILG sa mga pulitiko: Huwag lagyan ng mukha at pangalan ang ipapamahagi ng ayuda
Binalaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga pulitiko sa paggamit ng kanilang mukha at pangalan sa gagawing pamamamahagi ng ayuda sa mga lugar na sakop ng umiiral na Enhanced Community Quarantine.
Ang tulong pinansyal ay nagkakahalaga ng P1,000 kada indbidwal o hindi lalagpas ng P4,000 kada pamilya batay sa inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipamimigay sa mga naapektuhan ng ECQ sa NCR, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit sa ayuda para sa partisan political purposes para sa 2022 national elections.
Ang mga lalabag na pulitiko ay maaring mapanagot sa ilalim ng Section 82 ng General Appropriations Act na nagbabawal sa paglalagay ng pangalan, visage, appearance, logo, signature, o anumang analogous image ng public official, elected man o appointed, sa mga programa, Aktibidad, at proyekto ng gobyerno.
Maari din silang maharap sa kasong administratibo sa ilalim ng COA Circular 2013-004.
Ayon kay Malaya, ang publiko mismo ang maaring magreklamo sa DILG field office sa mga pulitikong lalabag.