Lawyers for Commuters Safety and Protection nakatatanggap ng mga sumbong sa pagbabawal na maihatid ang mga order na nabili online
Maraming reklamo at sumbong na natatanggap ang grupong Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) hinggil sa kalituhan sa ipinatutupad na polisiya ng InterAgency Task Force (IATF) sa mga produktong itinuturing na “essential” ngayong umiiral ang enhanced commuity quarantine sa tinaguriang NCR Plus.
Pahayag ito ni LCSP president, Atty. Ariel Inton kasunod na rin ng pag-viral ng mga video ng pagharang sa pagde-deliver ng lugaw at pagde-deliver ng cake.
Sa kaniyang pahayag sinabi ni Inton na ilan lamang sa natanggap na reklamo ng LCSP ay ang reklamo tungkol sa pagharang sa isang delivery boy na dapat ay maghahatid ng office supplies sa customer na naka-work from home.
Mayroon ding hinarang na magde-deliver sana diaper at sinabi ng enforcers na hindi naman essential ang diaper.
Ang problema ayon kay Inton hindi malinaw na nailalatag ng IATF kung anu-ano ba talaga ang maituturing na “essential”.
Wala din aniyang sapat na training o briefing ang mga nagpapatupad ng polisiya.
Dahil dito ani Inton, naaapektuhan ang hanap-buhay ng mga tao na nagsisikap mabuhay sa gitna ng pandemya.
Mungkahi ng LCSP, kung hindi naman illegal ay payagan nang mai-deliver at huwag nang harangin dahil ang maaring hindi essential sa paningin ng enforcer o tanod, ay essential sa iba.
Kung ang issue naman ay ayaw papasukin ang rider o inabutan na ng curfew, maaring maglagay ng sistema ang mga enforcers kung paano makukuha at mababayaran ang item na ‘for delivery’.
“Sa mga condominium o subdivision halimbawa ay may lugar kung saan pwede ideliver ang item at mabayaran ng rider. . Mas mainam ito kaysa ilagay natin sa discretion ng enforcer ang pag-determine kung ano essential o ano ang hindi essential.
Kailangan na pagtuunan natin ng pansin ito lalo na at ang karamihan sa nape-perwisyo ay ang hanapbuhay ng mga delivery riders,” ayon kay Inton.
Sinabi ni Inton na napakahalaga ng ginagampanan ng mga rider sa ngayon dahil kundi dahil kanila ay hindi na uusad ang ekonomiya ng mga naka-ECQ o naka lockdown na mga lugar.
“Kaya nagtataka ang inyong lingkod kung bakit minsan talaga ay wala na sa lugar ang paghihigpit sa mga riders. Bagamat kailangan ang pagpapatupad ng mga heath protocols, kailangan ay nasa lugar naman ang paghihigpit. Sa kabilang panig naman ay gumamit rin tayo ng mahabang pasensya sa mga nagpapatupad ng mga polisiya. Napapagod sila at buwis buhay din,” dagdag pa ni Inton.