Tatlong mahistrado na pagpipilian para maging susunod na chief justice ng SC isusumite na ng JBC kay Pang. Duterte

Tatlong mahistrado na pagpipilian para maging susunod na chief justice ng SC isusumite na ng JBC kay Pang. Duterte

Nakapili na ng tatlong pangalan ang Judicial and Bar Council para sa posibleng hahalili sa puwesto nang magreretirong si Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta na nagpaalam na sa kanyang mga kasamahan sa isabg hybrid ceremony kahapon.

Sa ginanap na en banc deliberation ng JBC Marso a-22, napili sina Associate Justices Alexander Gesmundo, Ramon Paul Hernando at Estela Marcelino Perlas-Bernabe

Ang shortlist na linagdaan ni Chief Justice Peralta, ex officio chairperson ng JBC ay nakatakdang isumite sa tanggapan ng Pangulong Rodrigo Duterte anumang oras ngayong umaga.

Itinatadhana sa Section 9, Article VIII ng 1987 Constitution ang tungkulin ng JBC na magnominado ng tatlong pangalan sa panahon na mababakante ang puwesto sa Korte Suprema at mga hukuman.

Sinumang mapipili ng Pangulo ay hindi na nangangailangan ng pag-apruba ng Commission on Appointment.

Bukod kay CJ Peralta, kabilang sa lumagda sa short list ay ang mga miyembro ng JBC na sina Justice Secretary Menardo Guevarra; Congressman Vicente SE Veloso III; Justice Jose Catral Mendoza; Toribio Ilao, Jr.; Noel Tijam at Franklin J. Demonteverde.

Kahapon isinagawa ng JBC ang deliberation para sa short list ng mga nomination sa bagong uupong Punong Mahistrado ngunit hindi agad naipadala ang listahan sa tanggapan ng Punong Ehekutibo.

Sinumang mapipili ng Pangulong Duterte ay magiging ika-apat na Chief Magistrate na itinalaga sa naturang tungkulin.

Kabilang sa mga appointee ng Pangulong Duterte bilang Chief Justice ay sina Associate Justices Teresita Leonardo De Castro, Lucas Bersamin at ang magreretirong si Chief Justice Peralta.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ang nasabing shortlist ay ihahain sa Tanggapan ng Pangulo ngayong umaga. (by Ricky Brozas)

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *