Lockdown ipatutupad sa Kingstown 2 at Queensville sa Barangay 171 sa Caloocan
Isasailalim ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa lockdown ang Kingstown 2 at Queensville sa Barangay 171.
Ang lockdown ay magsisimula alas 12:01 ng madaling araw ng Lunes, March 22 hanggang 11:59 ng gabi ng Linggo, March 28, 2021.
Ayon kay Caloocan Mayor Oca Malapitan, ang ipatutupad na lockdown ng Pamahalaang Lungsod ay bunsod ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 cases sa lugar.
Sa loob ng pitong araw ay magsasagawa ng mass testing sa mga residente.
“Kailangan muna nating limitahan ang galaw ng mga residente sa dalawang subdivision upang hindi na lumaganap ang sakit. Sa loob ng pitong araw na lockdown ay magsasagawa tayo ng mass testing, misting at disinfecting operations,” ayon sa alkalde.
Mamamahagi naman ng food boxes ang Pamahalaang Lungsod sa mga bahay-bahay na apektado ng lockdown.
Ang mga residente ay inaabisuhan na maglagay ng upuan sa labas ng kanilang tahanan upang mapaglagyan ng kanilang food box.
Sa kasalukuyan ay mayroong 15 kaso ng COVID-19 sa Queensville at Kingstown 2 habang may kabuuang bilang na 61 active cases naman ang Barangay 171.