8 pang sangkot sa Maguindanao Massacre pinakakasuhan ng DOJ
Nagpasya ang Department of Justice o DOJ na pakasuhan ang walo pang indibidwal na sangkot sa kaso ng madugong Ampatuan Massacre.
Ito ang kinumpirma ni Atty. Nena Santos, na isa sa mga abogado ng mga kaanak ng mga biktima ng Ampatuan Massacre, sa kanyang pagharap sa isang virtual media forum kasabay ng ika-labing isang anibersaryo ng krimen ngayong Nov. 23.
Ayon kay Santos, ito ay kaugnay sa ikalawang batch ng mga reklamo laban sa mga sangkot sa masaker.
Ani Santos, ibinasura naman ang mga reklamo laban sa 40 iba pa.
Ibig sabihin, mula sa 48 ay 8 lamang sa mga suspek sa ikalawang batch ang na-indict makaraang makitaan ng probable cause para makasuhan.
Kabilang sa 8 ay mga Ampatuan private army na nakita sa massacre site at kasama rin daw sa shooting o pamamaril, ayon kay Santos.
Mula sa naman sa 40 na naabswelto, isa sa mga kilala ay si Cynthia Sayadi na mayor ng Cotabato City.
Dismayado naman si Santos sa resolusyon dahil inabswelto ang mga dawit sa krimen sa kabilang mga ebidensya.
Samantala, sinabi ni Santos na may 76 na kasama sa unang batch ng mga suspect na nananatiling “at large” at patuloy na tinutunton.
May warrant of arrest na aniya ang mga ito, pero dapat ay kumilos na ang Philippine National Police.
Matatandaan na noong December 2019 na ibinaba na ng Korte ang hatol nito sa mga akusado sa Ampatuan Massacre na naganap noong Nov. 23, 2009.