DOH nagbabala laban sa mga nagbebenta ng COVID-19 vaccines
Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa hindi otorisadong pagbebenta ng COVID-19 vaccines.
Ayon sa DOH, may mga grupo, organisasyon o indibidwal na nag-aalok ng bakuna laban sa COVID-19.
Iginiit ng DOH, FDA, at NTF na ang Emergency Use Authorization na ibinigay sa anumang COVID-19 vaccine ay hindi para sa marketing authorization o Certificate of Product Registration.
Ibig sabihin ay hindi pa ito pwedeng ibenta sa publiko o bilhin ng publiko.
Ang pagbebenta ng bakuna, paggawa, pag-angkat, promosyon at kahalintulad ay paglabag sa FDA Act of 2009.
Sinumang mahuhuling nagbebenta ng bakuna ay maaring maharap sa isa hanggang 10 taon na pagkakabilanggo o multa na P50,000 hanggang P500,000.