Nasa 100 mga dating rebelde binigyan ng tulong ni Sen. Bong Go; certificates of entitlement para sa kanilang bagong tirahan ibinigay na ng NHA

Nasa 100 mga dating rebelde binigyan ng tulong ni Sen. Bong Go; certificates of entitlement para sa kanilang bagong tirahan ibinigay na ng NHA

Umapela si Senator Christopher “Bong” Go ng pagkakaisa anuman ang paniniwalang politikal lalo ngayong nakararanas ang bansa ng pandemya.

Ginawa ni Go ang pahayag sa isinagawang pamamahagi ng tulong sa 100 mga dating rebelde sa Malaybalay City, Bukidnon.

“Basta tayo, Pilipino tayo, magsama-sama tayo, lalo na sa panahon ng krisis. Kailangan mag-uban ta, sa Tagalog pa, magkaisa tayo. Sino lang ba ang magtutulungan kung hindi kapwa natin Pilipino?” ayon kay Go.

Tiniyak din ng senador sa mga dating rebelde ang pangako ng administrasyong Duterte na tutulungan ang mga nais magbalik-loob at nais na magbagong buhay.

Sinabi ni Go na handa sila ng pangulo na maglaan ng tulong sa mga nais na magsimulang muli.

“Kung ano ang aking maitutulong sa inyo at upang maging tulay n’yo rin kay Presidente Duterte, kami ni Presidente Duterte, kung anong ikakaayos o ikabubuti sa lahat ay gagawin namin,” sinabi ni Go.

Sa nasabing aktibidad, nagkaroon din ng awarding ceremony at binigyan ng certificates of entitlement ang mga dating rebelde para sa Pine Ville Housing Project sa San Jose, Malaybalay City.

Ang 100 dating mga rebelde ay bahagi ng 896 recipients ng parehong tulong mula sa tanggapan ni Go.

Namahagi ang grupo ng senador ng pagkain, food packs, masks, face shields, vitamins, sapatos at mga gamot.

May mga tumanggap din ng bisikleta at tablets.

“Nagpapasalamat ako kay Senator Bong Go at sa gobyerno, lalo na sa NHA, dahil sa ibinigay na tulong, lupa’t bahay. Kay President Duterte, salamat din sa inyong pagtulong sa amin,” ayon sa isa sa mga nakatanggap ng tulong.

Paalala naman ng senador, palagiang sundin ang health protocols para makaiwas sa sakit.

“Sumunod lang po tayo sa mga paalala ng gobyerno para makabalik na tayo sa normal na pamumuhay kung saan pwede po nating mayakap ang ating kapwa Filipino,” ayon kay Go.

Present sa nasabing aktibidad ang mga kinatawan mula sa National Housing Authority.

Tiniyak naman ni Go na makikipag-ugnayan siya sa mga ahensya ng gobyerno para makapagtayo ng Malasakit Center sa Bukidnon.

Kung nangangailangan ng tulong-medikal, sinabi ni Go na maaring lumapit muna sa Northern Mindanao Medical Center at JR Borja General Hospital sa Cagayan de Oro City, at sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City.

Kamakailan, ang tanggapan ng senador ay namigay din ng tulong sa 896 na mga dating rebelde sa Bukidnon.

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *