Mga tauhan ng MRT-3 na na nakuhanan ng video habang nagmamadali sa pagsasagawa ng disinfection, parurusahan
Tiniyak ng pamunuan ng MRT-3 na mahaharap sa disciplinary action ang mga empleyado nila na nakuhanan ng video habang nagmamadali sa ginagawang pagdi-disinfect sa loob ng tren.
Sa pahayag, sinabi ng MRT-3 na nakarating na sa kanila ang video na ibinahagi ng netizens na kuha sa MRT-3 habang may mga staff na nagsasagawa ng paglilinis at disinfection.
Sa nasabing video, makikita ang mga staff na tila hindi seryosong nagsasagawa ng pag-disinfect sa mga tren lalo na sa mga hawakan.
Para hindi na maulit ang insidente sinabi ng MRT-3 na gumawa na sila ng hakbang at parurusahan ang mga staff na nakuhanan ng video.
“The MRT-3 management will not tolerate any breach of health protocols as we stem the spread of COVID-19 while serving the daily transportation needs of commuters,” ayon sa MRT-3.
Pinaalalahanan na din ang mga cleaning at disinfection staff na bagaman kailangang mabilis na maisagawa ang disinfection sa mga tren ay dapat gawin ito ng maayos at maingat.