73 Chinese, 3 Pinoy naaresto sa illegal online gaming sa Cagayan
Arestado ang 73 mga Chinese nationals kasama ang tatlong Pinoy sa isinagawang raid sa isang hotel and resort sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan.
Sa pahayag ng Cagayan Provincial Information Office, sinabi ni PCapt. Sharon C. Mallillin, PIO ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) na ikinasa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Regional Intel Division ng PRO2, Regional Mobile Force Battalion 2, Regional Anti-Cybercrime Unit 2, NBI Region 2, Sta.Ana Police Station, Provincial Explosive and Canine Unit at mga operatiba ng Cagayan Police Provincial Office.
Isinilbi ang search warrant sa Villa Saturnina Hotel sa Sitio Rafat, Brgy. Rapuli, Sta. Ana, Cagayan na nagresulta sa pagkakaaresto ng 73 mga banyagang Chinese at tatlong Pinoy na nagsasagawa ng ilegal na sugal sa pamamagitan ng online gaming.
Dagdag pa ng tagapagsalita ng CPPO, nagtatago sa negosyong real estate ang nahuling pasugalan.
Kinilala ng mga otoridad ang kumpanyang OFA Cagayan State Developer Corporation at pag mamay-ari ng isang Frank Yu ang nagsasagawa ng ilegal na sugal.
Nakakuha rin ang mga otoridad ng mga kagamitang ginagamit sa ilegal na sugal tulad ng 48 units na computer laptops, 8 units ng desktops, isang mother server, dalawang inverter, 8 extension wires at isang router na ginagamit sa online operation ng sugal.
Ang mga natimbog na suspect at ebidensiya ay dinala sa Sta. Ana Police Station para sa kustodiya at tamang pag-iingat.
Mga kasong paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling at paglabag sa Section 6, Chapter 2 ng RA 101775 o Cybercrime Prevention Act of 2012 ang kakaharapin ng mga suspek.