Mga nurse at doktor sa Caloocan City sasailalim sa vaccination training
Bilang paghahanda sa pagdating ng bakuna kontra Covid-19, nagsasagawa na ng COVID-19 vaccination training ang Caloocan City Health Department (CHD).
Sasalang sa tatlong araw na training na ang lahat ng mga nurse at doktor sa lungsod ng Caloocan, ayon kay City Health Officer Dr. Evelyn Cuevas.
Sinabi ni Cuevas na layon nitong maihanda ang mga health worker sa pagdating ng mga bakuna kontra COVID-19.
“Nais po ni Mayor Oca Malapitan na maihanda ang lahat sa inaasahang pagdating ng Covid-19 vaccines, kasama na po ang ating mga healthworker na mangunguna sa pagbibigay ng bakuna sa ating mga mamamayan,” ani Dra. Cuevas.
Pinaplantsa na rin ng Pamahalaang Lungsod ang mga itatakdang vaccination area sa lungsod.
Isa sa mga pinag-aaralang gawing vaccination areas ay ang mga malalaking eskwelahan kung saan mas maipatutupad ang social distancing. (D. Cargullo)