LTO personnel sa buong bansa pinaghahanda na para sa Semana Santa

Inatasan ni Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang lahat ng Regional Directors at iba pang opisyal ng ahensya na simulan na ang paghahanda para sa ipatutupad na road safety plans upang maasistehan ang mga motorista at biyahero sa Holy Week.
Inaasahang milyon-milyon ang bibiyahe pauwi sa kani-kaniyang mga lalawigan para sa mahabang holiday break.
Partikular na pinatitiyak ni Mendoza ang pagkakaroon ng visibility ng LTO personnel sa mga pangunahing lansangan para sa law enforcement at pagsasagawa ng random at surprise inspections sa mga bus terminal.
Kailangan ayon kay Mendoza na masiguro ang mental at physical readiness ng mga driver at konduktor para sa kaligtasan ng mga biyahero.
Inaasahan na simula April 16 ay magsisimula na ang pagdagsa ng mga biyahero pero ayon kay Mendoza, dapat mag-umpisa na agad ang visibility ng mga LTO personnel sa weekend dahil maaaring may mga naghain na ng leave of absence para makauwi ng mas maaga sa kanilang probinsya.
Magkakaron din deployment ng LTO personnel sa mga pantalan at paliparan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Kaugnay nito ay hinikayat ni Mendoza ang mga motorista na tiyakin ang road worthiness ng kanilang mga sasakyan bago sila bumiyahe. (DDC)