BIR Pasay tinututukan ang mga hindi sumusunod sa patakaran sa buwis

BIR Pasay tinututukan ang mga hindi sumusunod sa patakaran sa buwis

Patuloy na tinututukan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) District #51 sa Pasay City ang mga hindi tumatalima sa patakaran sa usapin sa buwis.

Kabilang sa mga hakbang ng BIR-Pasay ang pagpapadala ng “Notice to Comply” sa mga may-ari ng properties at negosyo sa lungsod upang bigyan ng sapat na panahon ang mga ito na makapagsumite ng kinakailangang requirements.

Nabatid na kasama umano sa pinadalhan ng BIR ng Notice to Comply na may petsang January 31, 2025 na pirmado ng isang Mary Ann V. Canare, Revenue District Officer sina Konsehal Editha Manguerra at Yok Tin Tan So na kapwa humihiling sa ahensiya para sa pag-iisyu ng electronic-Certificate Authorizing Registration (e-CAR) sa ilalim ng tatlong OTS Numbers sa kanilang deeds of absolute sale na naitalaga naman kay Revenue Officer C. Nofies.

Base umano sa BIR system nakarehistro bilang nag-iisang may-ari na sumabak sa real estate activities sa ilalim ng SYT Apartment at VTSO Builders sina Manguerra at So kung kaya ang mga properties na ibinenta ay ikinonsiderang investments at bahagi ng kanilang ordinaryong assets kaya inisyal itong masasaklawan ng Expanded-Withholding Tax.

Pinaalalahanan din umano ng BIR sina Manguerra at So na magbigay ng Sales Invoice (SI) sa buyer base sa Gross Selling Price na tinukoy ng SEC. 4.106 ng Revenue Regulation 16-2005 alinsunod sa Sections 264- ” Failure or Refusal to issue Receipts or Sales or Commercial Invoices, Violations Related to the Printing of such Receipts or Invoices and Other Violations” na inamyendahan ng National Internal Revenue Code of 1997.

Kaugnay nito, pinagsusumite ng BIR-Pasay sina Manguerra at So ng kinakailangang requirements na Sales Invoices kay Revenue Officer C. Nofies sa 17th Floor, Trium Square, Sen. Gil Puyat Avenue, Pasay City para sa agarang proseso at pag-iisyu ng kanilang e-CAR.

Samantala, ibinabala naman ng BIR na bubulagain na lamang umano nila ang mga establisyimentong non-compliant sa pagbabayad ng buwis.

Nabatid na tumatakbong alkalde ng Pasay si Konsehal Manguerra habang kandidatong konsehal ng District 2 ng lungsod si So para sa May 2025 National and Local Elections.

Bukas naman ang media online platform na ito para sa pahayag nina Manguerra at So kaugnay ng usaping buwis. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *