P1.663M na halaga ng marijuana at cannabis-infused disposable vapes nakumpiska sa isang kargamento sa Port of Clark

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark ang isang kargamento na naglalaman ng 1,098 gramo ng high-grade marijuana o “kush” at sampung piraso ng cannabis-infused disposable vapes.
Ayon sa BOC, idineklarang naglalaman ng “Tub Shower Faucet Set,” ang kargamento na galing ng Arizona, United States at patungo sana ng Quezon City.
Hinarang ito matapos makita ang kahina-hinalang imahe nang dumaan sa X-ray.
Sa isinagawang physical examination natuklasan ang isang black vacuum-sealed plastic bag na may lamang 30 disposable vape pens, 10 dito ay kumpirmadong cannabis-infused.
Mayroon ding tatlong transparent plastic packs na naglalaman ng dried leaves at fruiting tops na kalaunan ay nakumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na high-grade marijuana.
Sa kabuuan ay aabot sa P1.663M ang halaga ng mga nakumpiskang kontrabando.
Nagpalabas ng Warrant of Seizure and Detention sa kargamento dahil sa paglabag sa R.A. No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), in relation to R.A. No. 9165. (DDC)