Kandidatong konsehal sa Pasay City nanganganib madiskwalipika sa eleksyon

Nanganganib na makansela ang kandidatura ng isang tumatakbong konsehal sa Pasay City.
Ito ay matapos na kumalat ang balitang mayroong isang kandidato sa pagka-konsehal ng District 2 sa Pasay City na ang mga magulang umano nito ay parehong Chinese nationals.
Ayon kay Pasay City District 2 Election Officer IV Attorney Alvin Tugas na sa pamamagitan nang matatanggap na reklamo laban sa konsehal kaugnay sa pagkuwestiyon sa kanyang nasyunalidad o citizenship ay magagamit ito sa posibleng kanselasyon ng kandidatura nito.
Paliwanag pa ni Atty. Tugas na kapag napatunayang may maling representasyon ay magamit itong grounds o batayan sa diskwalipikasyon.
Aniya kapag nanalo umano sa eleksiyon ay maaaring maghain ng quo warranto para sa isyu ng citizenship.
Nilinaw pa ng election officer na sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na reklamo laban sa hindi pa pinangalanang konsehal.
Samantala wala pang naitalang insidente ng karahasan na may kaugnayan sa eleksiyon sa District 2 sa lungsod simula nang umarangkada ang lokal na kampanyahan ng mga kandidato nitong Marso 28. (Bhelle Gamboa)