TRABAHO Partylist, suportado ang aksyon ng PCG sa West Philippine Sea

Nagpahayag ng matibay na suporta ang TRABAHO Partylist sa mas maagap na aksyon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay kinumpirma ng tagapagsalita ng Philippine Coast Guard na si Commodore Jay Tarriela sa Kapihan sa Manila Bay forum, aniya: “The Philippine Coast Guard deployed an aircraft this morning to challenge the presence of this Chinese research vessel.”
Binanggit ng partylist ang pagpapakita ng gobyerno ng matibay na pagnanais na ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas sa mga isyung teritoryal sa WPS, at itinuturing nila itong may positibong epekto sa paglikha ng trabaho at paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ang maagap na aksyon ng PCG ay pagpapakita ng matibay na posisyon ng administrasyon sa WPS upang protektahan ang integridad ng teritoryo ng bansa, at mga Pilipinong manggagawa lalo na ang mga mangingisda.
Nakikita ng TRABAHO Partylist ang pagkakataon na mapakinabangan ang mga likas na yaman sa lugar upang makalikha ng mga trabaho, partikular sa mga industriya tulad ng maritime, turismo, enerhiya, at pangingisda.
“Ayon sa gobyerno, ang muling pagtutok sa West Philippine Sea ay hindi lamang tungkol sa pagtatanggol ng ating soberanya—ito ay tungkol sa pagtiyak na ang mga Pilipino ay makikinabang mula sa yaman at mga likas na yaman sa ating sariling archipelagic waters,” ani Atty. Mitchell-David L. Espiritu, tagapagsalita ng TRABAHO Partylist.
“Sa pangmatagalan, ang proaktibong hakbang ng PCG ay magdudulot ng maraming oportunidad sa trabaho para sa ating mga kababayan, mula sa mga mangingisda hanggang sa mga propesyonal sa sektor ng enerhiya, imprastruktura, at seguridad sa karagatan,” dagdad ni Espiritu.
Matagal nang isinusulong ng TRABAHO Partylist ang mga polisiya na magbibigay ng mga sustainable na trabaho sa mga Pilipino.
Ayon sa grupo, ang pagkuha ng mga likas na yaman tulad ng langis at gas, pati na ang pagpapaunlad ng pangingisda, ay may potensyal na mag-ambag sa ekonomiya ng bansa habang nagbibigay ng mga kinakailangang trabaho. (DDC)