Russian vlogger na nag-viral sa pangha-harass sa BGC, inaresto ng mga otoridad

Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-aresto sa isang Russian vlogger na nag-viral kamakailan sa social media dahil sa pangha-harass ng mga Pinoy sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig.
Ayon kay BI intelligence division chief Fortunato Manahan, Jr. dinakip si Vitaly Zdorovetskiy, 33-anyos dahil sa pagiging undesirable foreign national.
Nag-viral sa social media at marami ang bumatikos kay Vitaly nang i-post ang kaniyang video sa bahagi ng BGC kung saan makikitang hina-harass niya ang mga security guard at kinuha niya ang industrial fan sa isang restaurant sa loob ng isang mall.
Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, bagaman kilala ang mga Pinoy sa pagiging “hospitable” inaasahan naming susuklian ito ng respeto ng mga dayuhang bumibisita sa bansa.
Hindi aniya maaaring lumabag sa batas ang mga dayuhan at mang-harass ng mga Pinoy.
Ginawa ang pag-aresto sa dayuhang vlogger sa pakikipag-ugnayan sa PNP Makati at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Una nang naghain ng reklamo ang isa sa mga security guard sa BGC laban sa dayuhang vlogger.
Dinal ana si Vitaly sa detention facility ng BI sa Camp Bagong Diwa in Bicutan habang inihahanda ang deportation proceedings laban sa kaniya. (DDC)