Tatak Nene Aguilar Team campaign sa Las Piñas, umarangkada na

Tatak Nene Aguilar Team campaign sa Las Piñas, umarangkada na

Nagsimula na ang Tatak Nene Aguilar Team sa kampanyahan sa lungsod ng Las Piñas, Marso 28 para sa May 2025 midterm elections.

Binubuo ang Tatak Nene Aguilar Team na kilala din sa tawag na Green Team sa pangunguna nina Mayor April Aguilar, Vice Mayor Imelda “Mel” Aguilar, Congressman Mark Anthony Santos at District 1 Councilors Alelee Aguilar, Atty. Zardi Abellera, Brian Bayog, Robert Cristobal , Marlon Rosales at Macmac Santos. Habang sa District 2 naman sina Councilors Engr. Henry Medina, Lester Aranda, Luigi Casimiro, Tito Martinez, Macky Saito, at Euan Toralballa.

Ipinagmamalaking ipinapakilala ni Mayor April Aguilar ang kanyang buong Green Team na isinusulong ang adbokasiyang nakasandig sa iniwang legasiya ng kanyang namayapang ama na si Mayor Vergel “Nene” Aguilar, na pumaprayoridad sa kapakanan ng bawat Las Piñero.

Ito ay ang matibay na pangakong ipagpatuloy ang adhikain ng administrasyong Aguilar na lalong itaguyod ang 5K Program-Kalusugan, Kaalaman, Kaayusan, Kabuhayan, at Kinabukasan para sa mga residente ng Las Piñas.

“Ang mga programa sa Las Piñas ay magmula pagkapanganak hanggang sa pagkamatay ay halos libre lahat.Kapag nanganak may lying-in Clinic, kapag po na-ospital may green card po para sa libreng hospitalisasyon at libreng check-up taon-taon sa Hi- Precision,” sabi ni Mayor April Aguilar.

“Napaka-importante po sa amin ni Mayor Mel ang inyong kalusugan, kaya nagpatayo kami last year ng dalawang diagnostic centers para sa libreng check- up ng Las Pinñero, pumunta lamang po sa laboratory testing centers natin,” dagdag pa nito.

Binigyang-diin ni Mayor April Aguilar ang isa sa kanilang mga prayoridad, ang pinaka-importanteng programa sa edukasyon na pamana ng panghabambuhay kaya libre ang paaral sa daycare centers, grade school, high school at kolehiyo sa Dr. Filemon C. Aguilar Memorial College at 4 year course sa DFCAITI.

“Last year po nagtayo kami ng anim na daycare centers kaya mayroon na tayong 109 daycare centers sa Las Piñas.Tayo po ay isa sa may pinakamaraming daycare centers sa buong Metro Manila,” pahayag pa nito.

Iginiit din ni Mayor Aguilar na sa susunod na taon nakatakdang buksan naman ang bagong 10-storey building ng DFCAM College of Engineering kung saan magpapaaral sa 4,000 na libre sa kolehiyo.

“Bukod dito, kasama sa napakaimportanteng programa rin ang libreng libing, libreng cremation, libreng columbarium at iba pang proyektong tumutulong sa maraming kapus-palad na Las Piñero’, dagdag pa ni Mayor April.

Binigyang-diin naman ni Cong. Mark Anthony Santos ang pagbibigay ng tunay na malasakit at serbisyo sa mamamayan lalo na sa isinusulong nitong socialized housing project sa lungsod.

“Karapat-dapat ang bawat Las Piñero sa isang disenteng tahanan—hindi basta tirahan, kundi isang maayos, ligtas, at abot-kayang tahanan na nagbibigay ng dignidad at pag-asa para sa bawat pamilya. Panahon na para sa isang tapat at makataong programang pabahay,” ani Cong. Santos.

Samantala, nagpapasalamat si Mayor April Aguilar sa patuloy na pagmamahal, tiwala at suportang ipinaparamdam sa kanila ng mga residente.

“Asahan na ng Las Piñero ang pagbuhos ng mas marami pang proyekto sa Las Piñas sa panalo ng Tatak Nene Aguilar Team sa halalan”, pagtitiyak ni Mayor April Aguilar sa mga nasasakupan nito. (NOEL TALACAY)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *