Droga itinago sa loob ng ari; babaeng dalaw sa Bilibid arestado

Dahil sa mahigpit na seguridad na ipinapatupad ng Bureau of Corrections (BuCor) napigilan ang isang babaeng bisita sa tangkang pagpuslit ng hinihinalang ilegal na droga na itinago pa sa loob ng kanyang ari sa pagdalaw sa isang persons deprived of liberty (PDL) sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Inihayag ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na inaresto si Rovelyn Fabillar, registered visitor ni PDL Lester Martin Ramos matapos matuklasang mayroon umanong shabu na nakatago sa loob ng pribadong katawan.
Ayon kay Catapang ang kontrabando ay nakabalot ng condom at inilagay sa loob ng transparent plastic nang madiskubre nang sumalang si Fabillar sa routine security inspections ng PDL visitors sa inmate visiting services unit (IVSU) -Maximum Security Compound kung saan napansin ng Bucor personnel ang kahina-kahinala o iregularidad sa bandang tiyan ng naturang babaeng dalaw.
Ang insidente aniya ay nagbigay-diin sa importanteng magandang security measures sa correctional facilities partikular ang mga alalahanin patungkol sa tangkang pagpupuslit ng ilegal na droga.
Noong 2024, bumili ang BuCor ng dalawang makabagong full-body scanners na kayang-kayang ma-detect nito ang mga items sa loob ng katawan o nakatago sa mga sulok-sulok ng damit kasama na rito ang nakatagong kontrabando sa loob ng pribadong katawan ng babaeng bisita.
Layunin ng teknolohiyang ito na mapadali at mapabuti ang proseso ng seguridad, mabawasan ang kinakailangan para sa pagsalakay ng strip searches at manual cavity checks na hindi kumportable at nakakaubos ng panahon sa parehong bisita at personnel.
Binigyang-importansiya din ni Catapang ang ganitong implementasyon ng mga hakbang ng pag-iingat na mahalaga sa pagpapanatili ng integridad ng mga ooerasyon sa pasilidad at tiyaking hindi makakapasok ang ilegal na droga sa kapaligiran ng piitan.
Ang matagumpay na pagkaharang sa tangkang pagpuslit ay para sa aktibong hakbang ng BuCor sa paglaban sa drug smuggling at preserbasyon ng kaligtasan at kaayusan sa sistema ng kulungan.
Si Fabillar ay itinurn-over sa Muntinlupa PNP habang dinala ang nakumpiskang items sa Philippine Drug Enforcement Agency para sa wastong disposisyon. (Bhelle Gamboa)