Driver at konduktor ng mga pampublikong sasakyan, oobligahing sumailalim sa pagsasanay hinggil sa road safety

Oobligahin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga konduktor at tsuper ng lahat ng public utility vehicle (PUV) na sumailalim sa comprehensive training kaugnay sa road safety.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, kailangan ang mandatory training kapag nag-renew ng prangkisa ng sasakyan.
Sa pamamagitan nito ayon kay Guadiz, inaasahang mababawasan ang mga insidente ng road accidents sangkot ang mga pampublikong sasakyan.
Sa inilabas na Memorandum Circular No. 2024-040, ang LTFRB ay bubuo ng Driver’s and Conductor’s Academy Program (DCAP) kung saan bibigyan ng accreditation ang mga driving school para magsagawa ng training at mandatory road safety education sa mga tsuper at konduktor.
Lahat ng PUV drivers at mga konduktor na kasalukuyang franchise holders, may existing CPC at Provisional Authority (PA) at Special Permits (SP) ay required na kumpletuhin ang kurso.
Ang enrollment fee para sa nasabing programa ay P2,000 at ang training ay kayang tapusin sa loob ng 2 hanggang 8 araw.
Bahagi ng training ang lecture kaugnay sa road safety, pagsailalim sa psychological exam para matukoy kung sila ba ay “fit to drive” at ang pagtuturo sa kanila ng basic first aid and life support na magagamit kapag mayroong aksidente.
Sa Metro Manila unang isasagawa ang pilot implementation ng program ana lilimitahan muna sa mga driver at konduktor ng bus at truck.
Ipatutupad din ito sa metropolitan areas sa iba pang bahagi ng bansa at sa ikalawang taon ng pagpapatupad ng programa ay kailangan na ding sumailalim sa training ang mga driver at konduktor ng UV, jeep, motorcycle taxis at TNVS. (DDC)