76 na tauhan ng PNP-SAF itinalaga sa kulungan sa Occidental Mindoro

Inanunsyo ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang deployment ng 76 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) upang palakasin ang seguridad sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Occidental Mindoro.
Ayon kay Catapang ang hakbang na ito ay bilang tugon sa patuloy na pagpapabuti ng implementasyon ng safety protocols at tiyaking epektibo ang pamamahala sa pasilidad. Inatasan ng BuCor chief si Deputy Director General for Operations, Asec. Gil Torralba na tutukan ang pagdating ng SAF personnel sa SPPF.
Ang integrasyon ng mga nasabing highly trained officers ay naglalayong pagandahin at paigtingin ang prison’s security measures partikular ang pagsunod sa mga direktiba mula kay Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla kaugnay sa paglilipat ng mga inmates na nahatulan ng kasong droga sa SPPF.
Pinangunahan naman ni Torralba ang pinagsamang operasyon na Task Force Sanib Puersa na kinabibilangan ng mga miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI), at SAF kung saan matagumpay ang ikinasang greyhound operation sa Camp Pasungi sa loob ng SPPF na nagresulta ng pagkakumpiska ng mga kontrabando gaya ng cellphones, cellphone charger, sigarilyo, at mga patalim.
Batay sa report ni Torralba kay Catapang,naging epektibo ang isinagawang operasyon sa tulong ng mga recruits mula sa SPPF kasama ang PDEA K9 units para sa search efforts habang ang BuCor personnel naman ang nagbigay ng seguridad at suportang pagbabantay o pag-oobserba.
Binigyang-diin ng proactive measures ang pangako ng BuCor na panatilihin ang kaayusan at paghusayin pa ang security protocols sa loob ng penal facilities.
Ang kolaborasyon ng mga law enforcement agencies ay sumasalamin sa pagkakaisang pagtugon sa mga isyung may kaugnayan sa kontrabando at siguruhing mas ligtas ang kapaligiran sa mga kawani at persons deprived of liberty (PDLs). (Bhelle Gamboa)